Union Theological Seminary
Sampaloc I, Dasmarinas, 4114 Cavite
Text: 2 Hari 7:3-20
Title:Ang Susi ng Katagumpayan
Aim:
Malaman ng mga taga pakinig ang kahalagahan ng pakikinig at pagkakaisa
Malaman ng mga tagapakinig ang dulot at halaga ng maayos na pagpaplano.
Malaman ng mga tagapakinig na maaring gamitin ng Panginoon ang walang kaya at walang kapangyarihan sa pagbabago ng lipunan o bansa.
Malaman ng mga tagapakinig ang pagpapahalaga sa iba kahit hindi kauri.
Introduction:
Magandang oras po sa ating lahat, sa lahat ng uri ng katagumpayan, may mga pamamaraan na kailangan upang makamit natin ang ating hinahangad. May pagsasakripisyo na kakailanganin. At hindi madali na abutin ang isang bagay…tulad na lang ng kapayapaan na ating hinahangad sa ating bansa, halos daang taon na ang nakakalipas, libu-libong buhay na ang naibuwis, ilang libong pamilya na rin ang inulila dahil sa isyu ng kapayapaan. Dahil sa ang ating gobyerno ay bulag at hungkag sa kanyang kapangyarihang tinatamasa, maranasan lang niya ang isang matiwasay na buhay kahit magsakripisyo ito ng buhay ng maliliit. Maalala ko ang isang text message na ganito ang sabi: “galante na kami ngayon, dahil ang ulam namin ngayon ay dalawang pirasong tuyo na sinamahan pa ng dalawang kamatis dagdag pa nito ay sili na pampaganang kumain, kaya ramdam na namin ang kasaganaan”. Hindi ba’t nakakatawang kalagayan? Masaya na tayo sa dalawang tuyo na pinarisan ng dalawang kamatis, samantalang mayroong mga tao ay tinatamasa ang kasaganaan ng ating Inang bayan. Paano nga ba natin makakamit ang katagumpayan? Isang tanong na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng sagot kung mananatili tayong bingi at bulag sa isang katotohanang ang katagumpayan ay hindi para sa maliliit o mahihina kundi para sa may lakas at may hawak ng kapangyarihan. Sa aklat na ating pinagbabatayan ng atng pinag aaralan ngayon ay mayroon apat na lalaki na maari nating makita ang ating sarili na mahina at walang kapangyarihan, sapagkat kung tutuusin sila ay itinuring na di bilang sa komunidad dahil sa kanilang sakit, sakit na sa kapanahunan na iyon ay itinuturing na pinakamarumi at biktima sila ng kawalang katarungan, sila ay itinakwil na lipunan. Ngunit sila man sa kanilang sarili ay naghahanap ng pag-asa, maranasan man lang ang nakapag-gumpay sila sa pagpasok nila sa lungsod. Ito marahil ang consolation price nila kahit mamatay na sila pagkatapos ng pagpasok nila sa lungsod. Di ba minsan ganun tayo, maliit lang na bagay na katagumpayan masaya na tayo. Minsan nga napagkakamalan na tamad ang katutubo dahil mabusog lang masaya na at kuntento na, ganun lang kasimple kasi ang buhay namin ayaw namin ng may sobra, kung may sobra man dapat para na ito sa iba, at huwag sarilinin ng kahit ng sino pa man. Nakakalungkot lang isipin pati ito ay nawawala na rin sa amin bilang isang komunidad.
Ang pagputok ng Mount Pinatubo ay isang pinakamalaking dagok hindi lamang sa lahat ng tao na naging biktima nito bagkus lalong higit sa amin na mga katutubo na nakapaikot an gaming tahanan sa ilalim at paanan ng bulkan, ang mga katutubo ng Pampanga, Tarlac, Bataan, at Zambales. Ang isang malaking tanong nga noon paano na kami? Paano pa kami mabubuhay? At maging ang mga antropologo ay nagtatanong ng ganito, “Will they survive?” Paano nga naman mabubuhay ang isang katutubo sa isang lugar na hindi siya hiyang at ang lugar na kanyang tinitirhan ay isang lugar na hindi siya sanay. Marami ang mga katutubo ang namatay sa ibat ibat lugar, sa mga resettlement areas at evacuation centers. Ito ang exodus sa buhay ng mga katutubo, dahil mula sa bundok binagtas ang ibat-ibang bayan upang mailikas at makaiwas sa mapanirang kalikasan na ito. Ang Pinatubo ang nagpabago ng uri ng buhay na mayroon kami. Isang buhay na masasabi na tahimik, simple at malayo sa karahasan at taglay ang kapayapaan. Ang tanong pa rin ngayon kung mananatili kami sa resettlement area makakasurvive nga ba kami? Kung babalik naman kami sa bundok, sa aming dating lugar, hindi ba ito ang magdadala sa amin ng mabilis na pagkamatay? Dahil hanggang ngayon napakataas pa rin ng lahar at di pa nauubos. Pero kagaya ng apat na ketongin na ang sabi nila sa talatang 3, “bakit ba rito tayo mamaluktot at maghihintay ng kamatayan?” Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo ng gutom doon. Kung mamanatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa’y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo papatayin mabuti, kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap. Ang kuwento ng apat na ketongin ay kuwento ng buhay ng mga katutubo sa resettlement area. Kung mananatili sa resettlement area sigurado na lalong magpapahirap ito sa amin, marami nga ang lumubog sa utang na mga katutubo dahil sa kawalang hanapbuhay sa resettlement, kaya bunga nito ibenenta ang mga pabahay, lupa at maging utang na mga hayop kagaya ng kalabaw, baka at marami pang iba. Una, ang maganda sa kuwento ng apat na ketongin ay ang kanilang pag-uusap-usap, napakahalaga na makita sa kuwentong ito ang salitang pag uusap-usap. Dahil tinitingnan nila kung ano ang magiging bunga ng kanilang mga gagawing mga hakbang kung ito man ang magbibigay sa kanila ng katagumpayan o kapahamakan. Kaya noon pa man ay may SWOT analysis na sila. Ito ang isa sa mahalagang sangkap sa katagumpayan ang pag-uusap, nakakalungkot lang isipin kahit may pag-uusap o negosasyon ang gobyerno sa mga kapatid na muslim hindi pa rin nagkakaroon ng pagkakasundo dahil magkaiba sila ng nararanasan, hindi sila pareho ng karaingan, hindi sila pareho ng kalagayan. Ang isa ay dehado at isa ay liyamado, paano nga sila magkakaunawaan? Hindi ba dapat na magpakababa ang isa upang pantayan ang isa na na mababa para lamang magkasundo lalo na sa isyu ng kapayapaan. Madali na nagkaunawaan ang mga may ketong dahil pareho sila ng kalagayan, pareho sila ng karanasan, magkapreho sila ng idinaraing at lalong higit magkapareho sila ng pangarap ang maibsan man lang ang gutom o mamatay na lang. Paano nga magkasundo ang isang nakakaranas ng katiwasayan at ang isang ramdam ang totoong kahirapan? Ang daing ng maraming mahirap, ang hapdi ng pagpapahirap lalo sa maliliit, nararamdaman ba ito ng mga taong hindi na nakayapak ang kanilang mga paa sa lupa? Ang pag uusap ng mga ketongin ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon upang makita naman nila sa kanilang mga sarili na may magagawa sila, bagamat mahina, may sakit at kokonti nakapagtagumpay sila.ito rin nawa ang magbigay ng inspirasyon sa lahat ng mahina ang mag- usap- usap, magtulungan dahil alam natin na walang ibang makakaunawa sa atin kundi ang ating kapwa, isang kapwa na kapareho ng karanasan, pangarap lalo na sa hinaharap. At sa pag uusap mahalaga na makita ang kahalagahan ng pakikinig, dahil dito nagsisimula ang pagkakaunawaan. Ang pag uusap ng mga katutubo na bumalik sa dating lugar malapit sa Pinatubo ay nagbigay uli ng inspirasyon sa kanila upang tahakin muli ang isang komunidad na hindi umaasa sa tulong ng gobyerno o ng sino pa man upang maibalik ang dignidad ang nawalang karangalan, na nabubuhay na hindi umaasa sa iba, na maaring mabuhay na tahimik, simple at may kapayapaan. Hindi madali ang bumalik sa dating lugar ngunit paano mabuhay sa resettlement? Ang pananatili sa ganitong lugar ay pagtatakwil sa lupang ipinagkaloob sa amin ni Apo Namalyari, ang lupang alam namin na ito ang makakatugon sa lahat ng aming mga pangangailangan at daan sa aming mga pangarap, mamatay man sa rumaragasang lahar ay mabuti na kaysa manatiling buhay na parang patay dahil sa nasanay na sa dole-out. Dole-out na nagturo sa amin na umasa sa tulong at matutong magdepende sa tulong ng kahit na sinong tao. Ang pag- uusap at pagpapalano ay susi ng isang matagumpay na komunidad. Mga kabataan may mga bagay kapag nakasanayan niyo na dadalhin niyo ito sa inyong pagtanda at pagdumating ang panahon saan man punto ng mga pag uusap lagi nating isipin ang kahalagahan ng pakikinig muna at hayaang makita kung ano ang ipinararating ng nagsasalita, maging sino man siya, anuman lahi niya, anuman ang kalagayan niya sa buhay. Dapat nating tandaan na ang pakikinig ay magtuturo din sa atin ng kapakumbababan at pagkakasundo.
Ang isa pa na nakita ko na mahalagang bahagi ng kuwentong ito ay ang kanilang ituloy at gawin ang kanilang napag-usapan. Bakit hanggang ngayon hindi pa rin nagtatagumpay ang iba’t-ibang sector ng mga maliliit na mamamayan, hindi pa rin nakakamtan ang minimithing katarungan at kapayapaan. Sapagkat ang hindi pagkakaisa, ang pagkakawatak, pagkanya-kanya ng direksiyon. Pagkakaroon ng mga sariling interes at may mga lihim na agenda ang bawat sector. Ang mga ketongin ay hindi lamang nag- usap, nagplano, pinag-isipan nilang mabuti ang mga disisyon at handa silang mamatay sa kanilang mga napagkasunduan. Sa ating panahon, nawala na rin ang ispiritu ng “palabra de honor” ang napag-usapan na, isinulat pa at may pinirmahan pa na kasunduan ay wala pa rin. Ito rin mga kabataan ang nawawala na sa ating komunidad (komunidad ng mga ayta) na dati kung ano ang napag-usapan, iyon na ang final at batas kahit hindi nakasulat (dahil wala nga namang kasi nakapag-aral) kaya may parusa ang hindi tumupad. Tama din ang sinasabi at paalala sa atin ng Bibliya, sabihin natin kung “oo ay oo”, kung “hindi naman ay hindi”. Madalas kasi nagbibigay tayo ng pag asa na hindi naman nating kayang ibigay at hindi kayang gawin. Naalala ko minsan ang aming karanasan sa Tribal church, dahil nga nagprotesta sa administrasyon lalo na sa aming District Superintendent noon, kung hindi papayag at hindi kami manalo sa protesta ang usapan ay huwag kukuha ng distino para tuluyan ng huwag suportahan ang tribal church sa direksiyon nito na maging isang district at isang mission annual conference. Ang nakakalungkot marami sa aming mga kasama ang bumaligtad at kumuha ng kanilang mga distino. Minsan sa aking pagtuturo, nagrereflect ako ng ganito, tinuturuan ko ba talaga ang mga tao para kasama ko sila sa isang layunin at gawin ang mga itinuturo o ibinubuyo ko lamang sila at pagkatapos na mapahamak sila, doon ko sila iiwanan, mga kabataan hindi na ito panahon ng lokohan. Panahon ito ngayon ng tunay na pagkakaisa at pagtutulungan, kung nais natin na makapagtagumpay sa ating mga pangarap, hindi bilang indibiduwal bagkus isang komunidad, matuto tayo sa kuwento ng mga lalaking ketongin.
Ang pangatlo na pinakamahalaang sangkap ng katagumpayan ay ang hindi pagiging makasarili, ang sabi ng isa sa bersikulo 9, hindi tama itong ginagawa natin, magandng balita ito hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin dapat ipagwalang bahala hanggang bukas ng umaga pagkat tiyak tayong parurusahan. Ang mabuti pa’y ipaalam natin ito sa hari. Narito ang mga taong may ketong, mga inapi at marahil pinandidirihan maging ng kanilang komunidad ay may busilak at tunay na malasakit sa kanilang kapwa. Kalian sila pakikinggan? Sa panahon na kagaya nito? may boses na sila at may magagawa pa sa kanilang bansa, kailan makikinig ang mga nasa taas ng pedestal, ang mga nasa gobyerno sa maliliit at walang kaya. Ang mga ketongin ay may dalang “Good News” sa kanilang bansa. Minsan naimbitahn akong maglecture sa isang camp ng mga Presbyterian ang topic ay pagiging Christian Being, ang tanong ko sa mga campers ganito, ano nga ba ang kahulugan ng Christian being? Kasi may napansin ako sa mga kabataang mga kapampangan sa Angeles eh ganito, yan ba ang lecturer natin? Ita yan diba? Nagbubulungan sila. May sumagot naman sa tanong ko at dito ako nagsimula ng pagtuturo. Ang pagiging Kristiyano ay nakikita sa buhay, hindi lamang ito alam natin at pinag aaralan.at hindi natatapos dito ang pag aaaral bilang mga kristiyano, bago ko tinapos ang aking lecture, tinawag ko ang isa sa mga pastor nila na naging disipulo ko ng ilang mga panahon at nagdisisyon na magpastor. Pinatayo ko siya sa aking tabi, magandang lalaki, hindi katutubo, at matangkad. Ito ang tanong ko sa kanila kung sabay ka mi na magmission sa inyo? Palagay ninyo sino ang inyong pakikinggan at sasamahan? Iniwan ko sa kanila ang tanong na iyon. Kailan nga ba pinakinggan ang walang kaya at walang kapangyarihan? Ang mga ketongin? Kailan naging matamis ang kanilang mga sina sabi sa tenga ng mga tao? Sa panahon na may pakinabang na sila sa kanila, hindi nga ba’t totoo ito sa ating kapanahunan. Ito ang mga ketongin na nagdala ng pagbabago sa kanilang bansa at ito ang magandang balita para sa mga Israelita at ng buong bansa. Nakakalungkot lang isipin na mayroon pa ring hindi naniwala sa kanila, kasama na rin ang hari, kaya sabi niya panlilinlang ito sa atin, ngunit salamat mayroong isang tao na naniwala sa kanila at pinatingnan siniguro kung totoo ang magandang balita na dala ng mga ketongin. At nakita nga nila na toto ang balitang kanilang dala. Sa akin personal na reflection, minsan suko rin ako, dahil minsan sabi ko sa aking sarili ano ang maaari kong magawa sa ministry? Pero hindi ba’t nagbibigay hamon ang mga ketongin sa kuwentong ito. Naniniwala ako kung tayo ay hindi magmamaramot at hindi magiging makasarili magkakaroon ng paggbabago ang bansang ito. Gusto kong I quote ang sinabi ni Prof. Baybay; hindi problema ang pera, ang problema lang ay wala tayong kaibigan.
Pagpalain kayo ng ating Panginoon’